Umabot na sa tinatayang ₱6.614 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at tatlong bagyo na sina Luis, Maymay at Neneng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling situation report ng NDRRMC, nasa ₱4.888 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang ₱1.726 bilyon naman sa agrikultura.

Kabilang dito ang mahigit ₱24 milyon na pinsala sa livestock, poultry at fisheries.

Apektado ng sama ng panahon ang 6,913,577 katao o higit 2 milyong pamilya sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.

Kabilang sa mga naapektuhan ang 50,023 magsasaka at mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Nakapagtala rin ng 2,324 nasirang bahay at 1,104 imprastraktura, habang 89 lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity.

Samantala, 105,523 katao ang napilitang lumikas dahil sa masamang panahon, kung saan mahigit 42,000 ang sumilong sa evacuation centers.

Iniulat din ng NDRRMC ang 29 na nasawi, 17 sugatan at dalawang nawawala, na pawang isinasailalim pa sa beripikasyon.