Iginiit ni House Committee on Tourism Vice Chairman Gil “Kabarangay Jr.” Acosta ang agarang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong alisin ang travel tax sa bansa, sa ilalim ng House Bill No. 7443 na inihain ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Ayon kay Acosta, ang travel tax na umiiral pa mula Presidential Decree No. 1183 (1977), ay nagpapamahal sa biyahe at nagpapahina sa kompetisyon ng Pilipinas sa turismo sa ASEAN. Ang kasalukuyang singil ay ₱2,700 para sa first-class at ₱1,620 para sa economy passengers.

Aniya, mas pinipili ng ilang Pilipino ang bakasyon sa Vietnam o Thailand dahil mas mura, kahit maganda ang mga lokal na destinasyon tulad ng Palawan at Siargao.

Binanggit din niya na ang tax ay hindi na akma sa 21st century, dahil ang pagbiyahe ay pangangailangan, hindi luho.

Sa ilalim ng panukala, ang pondong kasalukuyang nakokolekta (₱4–5 bilyon kada taon) ay ilalagay na sa TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority); CHED (Commission on Higher Education), at Sektor ng Kultura.

-- ADVERTISEMENT --

Iminumungkahi sa panukala na sa halip na iasa sa bulsa ng mga biyahero, ang pondo para sa mga ahensyang ito ay dapat nang direktang isama sa General Appropriations Act (GAA) o pambansang badyet.

Nanindigan si Acosta na ang ganitong hakbang ay magbibigay ng dignidad at ginhawa sa mga Pilipinong biyahero at mas papasiglahin ang ekonomiya ng bansa.