Isasailalim ng Senado sa pagrepaso ang mga umiiral na batas at tungkulin ng National Food Authority (NFA) matapos na ihayag ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagnanais na ibalik ang mandato ng ahensiya na pagbili ng palay sa mga magsasaka.

Ayon kay Senator Joel Villanueva, sang-ayon at sinusuportahan niya ang posisyon ng Pangulo at panahon na para ibalik sa NFA ang regulatory functions nito at kapangyarihang bumili ng palay at magbenta ng bigas para makatulong sa pagbaba ng presyo ng nasabing produkto.

Mabibigyan aniya ng proteksyon ang mga magsasaka na umaaray na sa mababang farmgate prices ng palay na binibili sa kanila ng mga traders at kawalan ng kita.

Para matiyak ang pagtalima ng NFA sa mandato nito, rerepasuhin ng mataas na kapulungan ang batas at functions ng ahensiya gayundin ay magpapanukala sila ng mga amyenda at safeguards para mapalakas at ma-professionalize ang NFA.

Kasama sa ire-review ang Rice Tarrification Law (RTL) dahil lumalabas na hindi nararamdaman ng mga magsasaka ang ginagawa ng NFA at madalas palugi na rin ang pagbenta nila sa kanilang mga aning palay.

-- ADVERTISEMENT --