
Isinusulong ni Eddie Villanueva, kinatawan ng CIBAC Party-List, ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga batang 16 taong gulang pababa.
Ito ay nakapaloob sa kanyang inihain na House Bill No. 8262 o Social Media Protection for Minors Act.
Ayon kay Villanueva, layunin ng panukala na tugunan ang lumalalang epekto ng social media sa mental health, kaligtasan, at pag-unlad ng mga bata.
Sinabi ng kongresista na kailangang agarang maisabatas ang panukala dahil sa tumitinding banta ng algorithm-driven addiction, pagkalantad sa marahas at sexual na content, at online exploitation sa mga menor de edad.
Binanggit din niya na may ilang bansa na ring nagpatupad ng mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata, kabilang ang Australia, Spain, at France.
Binigyang-diin ni Villanueva na mahalagang maprotektahan ang mga kabataan laban sa mapanganib na exposure sa social media bilang bahagi ng moral at pambansang responsibilidad.










