Iginiit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na hindi maituturing na aksidente ang pagkamatay ng mga Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili kasabay ng panawagan kay dating head coach Tab Baldwin na makipagtulungan sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director Police Major General Alexander Morico II na batay sa mga nakalap na impormasyon, may mga pangyayaring kailangang masusing imbestigahan kaugnay ng trahedyang naganap sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora

Ayon sa kanya, hindi sa mismong harap ng resort nangyari ang insidente kundi daan-daang metro ang layo kung saan umano tinangay ng malalakas na alon ang mga biktima.

Direktang hinikayat ni Morico si Baldwin na humarap at makiisa sa imbestigasyon upang makatulong sa paglinaw ng mga pangyayari at mabigyan ng hustisya ang mga nasawing manlalaro.

Aniya, mahalagang makuha ang buong detalye ng insidente upang matukoy kung may pananagutang kriminal ang sinuman.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng CIDG na kasalukuyang sinusuri ang posibilidad ng kasong homicide o hazing habang nagpapatuloy ang pangangalap ng ebidensya at testimonya mula sa mga manlalaro, coaches, at iba pang sangkot sa training camp.

Inaalam din ng mga imbestigador ang mga ulat na may iba pang players na nahirapan sa tubig at nakalunok ng tubig-dagat sa kasagsagan ng insidente.

Ayon pa kay Morico, lumalabas sa mga testimonya na may kaalaman umano ang ilang kalahok tungkol sa malalakas na alon sa lugar bago pa man bumiyahe patungong Aurora.

Kabilang din sa sinusuri ang mga aktibidad na isinagawa sa dagat, kabilang ang paglalakad at pagtalon sa tubig bilang bahagi umano ng training exercises.

Sa ngayon, target ng CIDG na makapanayam ang kabuuang 48 indibidwal kaugnay ng kaso.

Nagpalabas na rin ng panibagong subpoena laban kay Baldwin at inatasan itong magsumite ng drone footage na maaaring makatulong sa rekonstruksyon ng mga pangyayari bago ang trahedya.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutang kriminal na dapat isampa laban sa mga sangkot.