Hindi na ikinagulat ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima na may mga espiya sa Pilipinas para suportahan ang operasyon ng China.

Ito’y kasunod ng panawagan ng Malacañang na magkaroon ng heightened vigilance sa mga ahensya ng gobyerno matapos madiskubre ng National Security Council ang spy operations na may kaugnayan sa China.

Pero nababahala si de Lima na ilang mga Pilipino pa mismo ang nakikipagtulungan sa China at mistulang ipinagkakanulo ang sariling bansa.

Naniniwala ang kongresista na malaki ang ibinabayad para sa kanilang serbisyo, bagama’t nakikita ang mas malaking impluwensiya ng pro-China policy ng nagdaang administrasyon.

Gayundin ang mga binansagang “Tsinador” at kasalukuyang opisyal na mas pinapanigan ang mga dayuhan sa usapin ng pagtatanggol sa soberanya at ang mga bayarang trolls na nagpapakalat ng disinformation at fake news ukol sa West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Punto nito, ano ang pipigil sa iba na magpagamit sa mga dayuhan kung may mga opisyal na ganoon ang paninindigan at takbo ng isip?

Dahil dito, muling umapela si de Lima na ipasa na ang House Bill 1844 o ang Anti-Espionage Act para palakasin ang national security policies at counter-espionage measures na tutugon sa mga banta laban sa bansa.

Long overdue na umano ang panukala at dapat nang bigyan ng sapat na resources ang security agencies para habulin at panagutin ang mga espiya partikular sa pinakasensitibong defense installations.