Hindi na maaaring dumalo ang sinumang politiko o kandidato sa Cagayan sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan, kahit hindi pa panahon ng election ban.

Ito ay kung magiging isang ganap nang ordinansa ang panukalang inihain ni Cagayan 3rd district Board Member Atty Mila Lauigan sa Sangguniang Panlalawigan na bawal ang presensya ng mga naghain ng kanilang Certificate of Candidacy sa pamamahagi ng ayuda.

Ayon kay Lauigan, layunin nito na maging patas sa ibang kandidato at matiyak na walang magaganap na pang-aabuso sa paggamit ng ayuda para sa pansariling interes ng mga kandidato.

Hindi kasi aniya maiwasan ang paggamit nito bilang plataporma ng pangangampanya ng mga tumatakbong kandidato na makakaapekto sa resulta ng halalan.