Isinisi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang administrasyon ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Abril 2025.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 2.06 milyon ang bilang ng mga tambay o unemployed na edad 15 pataas, mas mataas kumpara sa 1.93 milyon noong Marso.
Para kay KMP Chairperson Danilo Ramos, malinaw itong patunay ng kapabayaan ng pamahalaan, lalo na sa sektor ng agrikultura at industriya, na siyang dapat sana’y nagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.
Dagdag pa ni Ramos, higit 609,000 trabaho sa agrikultura ang nawala mula Marso 2024 hanggang Abril 2025 — kabilang dito ang 483,000 sa sektor ng palay.
Giit niya, hindi lang basta numero ang mga ito kundi mga pamilyang magsasaka na nawalan ng kabuhayan dahil sa mataas na gastos sa pagsasaka, walang kontrol sa importasyon, at iba pang suliraning matagal nang kinakaharap ng agrikultura.
Aniya, sa kabila ng pagmamalaki ni Marcos sa umano’y katatagan ng ekonomiya, ang totoo ay patuloy na pumapalpak ang pamahalaan sa pagbibigay ng disenteng hanapbuhay sa mga Pilipino.