Nagbabala ang Malacañang na maaaring maging delikadong halimbawa para sa mga lokal na punong ehekutibo ang naging testimonya ni Davao City Mayor Baste Duterte sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi maaaring palaging gamitin ng mga mayor ang pagsasabing wala silang alam sa mga transaksiyon ng kanilang lokal na pamahalaan, lalo na kung may kaugnayan dito ang kanilang mga kamag-anak.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Baste na hindi niya alam ang idineklarang interes sa negosyo ni Vice President Sara sa GenCorp.

Aniya, kung alam niyang may interes ang kanyang kapatid sa kumpanya, hindi niya ito papayagang makakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaang lungsod.

Ipinaalala rin ni Castro na hindi maaaring basta gamitin ang tinatawag na Arias Doctrine bilang panangga sa pananagutan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinahihintulutan nito ang mga pinuno ng tanggapan na umasa, sa makatwirang paraan, sa kanilang mga tauhan at sa mabuting loob ng mga naghahanda ng mga dokumento at transaksiyon.

Gayunman, sinabi ni Castro na hindi niya hinahatulan si Baste at inilalahad lamang ang posibleng epekto ng kanyang mga pahayag.

Hinimok din ng Palasyo ang mga lokal na opisyal na maging maingat at mapagmatyag sa mga transaksiyon ng kanilang nasasakupan.