Ikinalugod ni House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang commitment ng Committee on Appropriations na pagsusumikapan na maitaas ang sahod ng mga guro.

Sa pakikipagdayalogo ng mga teacher sa liderato ng Kamara, tiniyak ni Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing na mayroon din siyang bersyon ng panukalang salary increase para sa public school teachers kung saan mula Salary Grade 11 ay gagawing Salary Grade 19 ang minimum monthly salary.

Sinabi ni Tinio na consistent si Suansing sa pagsusulong ng mas mataas na sahod para sa mga guro lalo’t noong 19th Congress ay inihain na ito.

Dahil sa direksyon na nais pangunahan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, maaari aniyang mahigitan pa ang 50,000 pesos na isinusulong ng mga guro.

Gayunman, ipinunto ni Tinio na narinig na ng mga guro ang ganitong pangako noon at hindi basta tatanggapin ang mga salita nang walang konkretong aksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito ay nanawagan ang kongresista sa administrasyon na isama sa paparating na pambansang budget ang salary increase sa mga teacher upang mailapit ito sa nakabubuhay na sweldo.