
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng 7-year limit para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Nakasaad ito sa Executive Order No. 120 na nilagdaan ng Pangulo noong July 13, alinsunod sa naging rekomendasyon ng National Advisory Council.
Ayon sa EO, maaari pa ring makatanggap ng benepisyo ang mga 4Ps beneficiaries kahit lumampas na sa dating 7-year limit, hangga’t natutukoy ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na kabilang pa rin sila sa antas na Survival o Subsistence.
Ayon sa Malacañang, isinasaalang-alang ng pamahalaan ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng maraming pamilyang benepisyaryo na nakaapekto sa kanilang pag-unlad.
Layunin ng EO na patuloy na masuportahan ang mga benepisyaryo hanggang sa maging self-sufficient o may sapat nang kakayahan na matugunan ang kanilang pangangailangan.
Inatasan din ang DSWD na palakasin ang case management system at magsagawa ng regular na assessment upang matukoy kung handa nang makapagtapos sa programa ang mga benepisyaryo.










