Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso upang mabigyan ng kapangyarihan ang pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sakaling tumaas ang presyo ng Dubai crude oil sa mahigit $80 kada bariles.

Ayon kay Marcos, ito ay magiging emergency measure na ipatutupad agad kapag natapos ang sigalot sa Middle East. Kasama rin sa pahayag ang suporta ni Acting Finance Secretary Frederick Go sa ideya ng emergency powers para sa pangulo sakaling patuloy na tumaas ang presyo ng langis.

Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na kasalukuyang nasa $79 kada bariles ang presyo ng Dubai crude—malapit na sa $80 threshold.

Nagpahayag din si Marcos ng kumpiyansa na sapat ang suplay ng langis ng bansa sa kabila ng tensyon sa Middle East, na may stockpile na umaabot sa 50–60 araw para sa gasolina, fuel oil, kerosene, at iba pang produktong petrolyo.