Iginiit ng Malacañang na hindi inasahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang kaniyang magiging bise presidente ay hindi umano susuporta sa administrasyon at sa halip ay magiging kritiko pa ng pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, sa kabila ng mga nangyari ay wala umanong pagsisisi ang Pangulo sa kanilang naging tambalan at nananatili itong nakatuon sa pagseserbisyo para sa bayan.

Dagdag pa ni Castro, kahit hindi siya tulungan ng kaniyang bise presidente, ipagpapatuloy pa rin ng Pangulo ang pagtupad sa kaniyang mandato para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Ito ang naging tugon ng Malacañang matapos itanong kung katulad din ba ng pahayag ni VP Sara, na humingi ng paumanhin kung nakatulong siya sa pagkapanalo ng Pangulo, ang nararamdaman ng Chief Executive.

Samantala, kaugnay sa planong pagtakbo ni VP Sara sa 2028, sinabi ng Malacañang na nasa taumbayan ang pagpapasya at hinikayat ang publiko na maging mapanuri sa pagpili ng susunod na mamumuno sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --