
Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng anim na karagdagang lokal na holiday ngayong buwan ng Hunyo bilang paggunita sa mga anibersaryo ng pagkakatatag at mga lokal na kapistahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nilagdaan noong Hunyo 3 ang anim na proklamasyon na kalaunan ay inilathala sa Official Gazette.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1287, idineklara ang Hunyo 11 bilang espesyal na non-working day sa Lalawigan ng Rizal kaugnay ng ika-125 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Idineklara naman ang Hunyo 15 bilang espesyal na non-working day sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan para sa pagdiriwang ng ika-430 anibersaryo ng pagkakatatag nito sa ilalim ng Proclamation No. 1284.
Samantala, magiging espesyal na non-working day ang Hunyo 18 sa New Corella, Davao del Norte para sa anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan sa ilalim ng Proclamation No. 1285.
Sa Hunyo 24, idineklara ring espesyal na non-working day sa Lungsod ng San Juan bilang pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival sa ilalim ng Proclamation No. 1282.
Sa kaparehong araw, magkakaroon din ng espesyal na non-working day sa Lungsod ng Tabaco, Albay para sa pagdiriwang ng Tabak Festival sa ilalim ng Proclamation No. 1286.
Idineklara rin ang Hunyo 26 bilang espesyal na non-working day sa Sawata, Davao del Norte para sa pagdiriwang ng ika-22 Araw ng Sawata sa ilalim ng Proclamation No. 1283.










