Naglatag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng plano na magtayo ng mga imbakan o catch basin ng tubig bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan para mabawasan ang matinding pagbaha sa Metro Manila at Central Luzon.

Ayon kay Marcos, kabilang sa maaaring paglagyan nito ang mga lugar na madalas bahain, gaya ng San Simon Interchange ng NLEX, na kamakailan ay nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa pagbaha.

Sinabi ng Pangulo na hindi sapat ang pagbomba ng tubig sa gilid ng kalsada dahil nananatiling puno ng tubig ang mga kalapit na lugar. Kaya kailangan aniyang magkaroon ng lugar kung saan maaaring pansamantalang mapunta at maimbak ang tubig-baha.

May limang posibleng lokasyon na umano nang natukoy sa Metro Manila para sa mga imbakan. Maaari ring gamitin ang mga lugar na kasalukuyang may gusali o basketball court, na maaaring lagyan ng imbakan sa ilalim at muling magamit ang ibabaw na bahagi.

Ayon kay Marcos, maaaring matapos sa loob ng isa hanggang dalawang taon ang mas maliliit na imbakan, habang mas matagal naman ang pagtatayo ng malalaki. Kasama rin sa pangmatagalang plano ang paglalagay ng mas maraming imbakan ng tubig hanggang sa mga bahagi ng Sierra Madre.

-- ADVERTISEMENT --