Pinangunahan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ng umaga ang situation briefing kasama ang mga miyembro ng Gabinete sa Malacañang upang talakayin ang epekto ng Habagat at Tropical Cyclones Luis at Maymay.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, iniutos ni Marcos ang agarang pag-abot ng tulong sa lahat ng apektadong residente, lalo na sa mga nasa malalayong lugar, kabilang ang mga nakabalik na sa kanilang mga tahanan mula sa evacuation centers.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot na sa ₱39.37 milyon ang halaga ng ayuda na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilang rehiyon sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Mayroon ding ₱1.61 bilyong standby funds ang DSWD na maaaring gamitin para sa pagtugon sa epekto ng kalamidad.

Samantala, nasa 585,993 indibidwal o 170,593 pamilya mula sa siyam na rehiyon ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Habagat at Tropical Cyclones Luis at Maymay, batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC.

-- ADVERTISEMENT --