Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalo pang titibay at susulong ang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos, kasabay ng pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

Kasunod ito ng paglulunsad ng isang special anniversary logo ng dalawang bansa na gagamitin sa mga commemorative activities sa buong taon bilang simbolo ng walong dekadang pagkakaibigan na nagsimula noong Hulyo 4, 1946.

Ayon sa Pangulo, inaasahan niyang mas lalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika, na magbubunga ng mas matibay na pangako sa seguridad, kasaganaan, at katatagan hindi lamang ng dalawang bansa kundi ng buong rehiyon.

Sa loob aniya ng 80 taon, ipinagmamalaki ng Pilipinas na ituring ang Estados Unidos bilang mapagkakatiwalaang kaibigan, matatag na katuwang, at hindi natitinag na kaalyado.

Kasabay ng pagdiriwang na ito ang ika-250 anibersaryo ng pagkakatatag ng Estados Unidos, habang ginugunita rin ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng Philippines–United States Mutual Defense Treaty, na nagsisilbing gabay sa ugnayang pangdepensa at pangseguridad ng dalawang bansa.

-- ADVERTISEMENT --