Bumwelta ang Philippine Commission on Women (PCW) sa umano’y sexist at “objectifying” remarks ni Rep. Bong Suntay sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Justice.

Nabanggit kasi ni Suntay sa naturang hearing na nakaramdam umano siya ng “init” nang makita ang aktres na si Anne Curtis.

‎Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng PCW na hindi simpleng biro ang naturang komento kung ‘di isang anyo ng “sexual objectification” laban sa kababaihan.

‎Dahil dito, nanawagan ang komisyon kay Suntay na maglabas ng agarang public apology at akuin ang pananagutan sa naging epekto ng kanyang mga pahayag.

Hinimok din ng PCW ang mambabatas na sumailalim sa gender sensitivity at gender-fair communication training.

‎Bukod dito, hinikayat ng komisyon ang House Ethics Committee na magsagawa ng kaukulang aksyon alinsunod sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

‎Giit ng grupo, dapat maging maingat ang mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga pahayag, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa kababaihan.