
Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Paris na may matibay silang batayan na nasa bansa si Zaldy Co, ngunit nilinaw na wala silang kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon o pag-aresto laban dito.
Ayon kay Eduardo de Vega, hindi maaaring kumilos ang embahada na parang pribadong imbestigador dahil ito ay paglabag sa soberanya ng France at sa umiiral nitong mga batas.
Sinabi ni de Vega na bagama’t may impormasyon umano tungkol sa posibleng mga ari-arian ni Co sa France, wala pa ring kumpirmasyon na siya ay aktuwal na namataan sa mga ito.
Nauna nang ibinahagi ni Ma. Theresa Lazaro na may “highly regarded source” ang Department of Foreign Affairs na nagsasabing nasa France si Co at posibleng humihiling ng asylum.
Gayunman, iginiit ng embahador na ang anumang police work, kabilang ang surveillance at pag-aresto, ay saklaw ng mga awtoridad ng France.
Dagdag pa niya, kahit may warrant of arrest laban kay Co sa Pilipinas, hindi ito maaaring ipatupad sa ibang bansa nang walang koordinasyon sa host government.
Maaari lamang itong isagawa sa pamamagitan ng international mechanisms gaya ng Interpol.
Nilinaw din ni de Vega na walang awtoridad ang embahada o ang Filipino community sa France na arestuhin si Co sakaling siya ay mamataan.
Samantala, inaasahang dadaan sa tamang proseso sa pagitan ng mga pamahalaan ang anumang hakbang kaugnay sa kaso ni Co.










