
Lumagda ngayong araw ang Pilipinas at Poland sa isang kasunduan para palakasin ang mutual legal assistance sa mga kasong kriminal, kasabay ng state visit ni Polish President Karol Nawrocki sa bansa.
Nasaksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Nawrocki sa Malacañang ang paglagda sa Agreement on Mutual Legal Assistance in Criminal Matters.
Ayon kay Marcos, magbibigay-daan ang kasunduan sa mas malawak na kooperasyon sa legal na usapin at magsisilbing hakbang para sa posibleng negosasyon ng extradition agreement ng dalawang bansa.
Inanunsyo rin ng Pangulo ang nagpapatuloy na defense cooperation sa Poland, kabilang ang pagkuha ng Pilipinas ng S-70 Black Hawk combat utility helicopters bilang bahagi ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines.
Tinalakay din ng dalawang lider ang pagpapalakas ng ugnayan sa trade, agriculture, science and technology, information and communications technology at cybersecurity.
Nasa Pilipinas si Nawrocki mula Oktubre 5 hanggang 8 para sa kanyang unang state visit sa bansa.










