Namataan sa baybayin ng Israel ang pinakamalaking aircraft carrier ng Estados Unidos, ang USS Gerald R. Ford, kasabay ng paglapag ng 20 U.S. refueling aircraft sa bansa.

Dumating ang barko sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, at itinuturing ng mga eksperto bilang malinaw na senyales ng mas matinding suporta ng Washington sa Israel, kahit na wala pang opisyal na pahayag mula sa U.S. military.

Ang pagdating ng Gerald R. Ford ay bahagi ng mas malawak na U.S. military buildup sa Gitnang Silangan, na sinamahan ng paglikas ng mga Amerikano mula Iraq at utos ng U.S. Embassy sa Israel na lisanin ng mga non-essential personnel.

Kasabay nito, lumalakas ang opensiba ng Iran at ng Revolutionary Guard laban sa tinatawag nilang “occupied territories,” na nagdudulot ng pangamba sa posibleng mas malawak na labanan sa pagitan ng Iran at US-Israel alliance.

Nananatiling nakatutok ang pandaigdigang komunidad sa mga susunod na hakbang ng Washington at Tel Aviv, habang binabantayan ng United Nations ang sitwasyon upang maiwasan ang mas malaking eskalasyon.

-- ADVERTISEMENT --