Matapang na sumagot si bagong talagang Philippine National Police (PNP) chief, Police General Nicolas Torre III, sa naging pahayag ni Davao City vice mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte na kumuwestiyon sa kanyang appointment at mabilis na pag-angat sa ranggo.
Sa isang press briefing nitong Miyerkules, iginiit ni Torre na hindi ito bago, at ipinaalala niya na noong 2016, mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte — ama ni Baste — ang nagtalaga kay Ronald “Bato” dela Rosa bilang PNP chief kahit ito ay isa pa lamang one-star general noon.
Dagdag pa niya, marapat lamang na sagutin ang mga isyung ito sa tamang forum, lalo na’t may mga alegasyon din mula sa kampo ng Pangalawang Pangulo Sara Duterte kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagkaka-aresto sa kanilang ama.
Si Torre, bilang dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, ang nanguna sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte noong Marso 11 na nauwi sa pagdadala nito sa The Hague para harapin ang kaso ng crimes against humanity sa International Criminal Court.