Kinapanayam ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ang ina ng yumaong Ateneo de Manila University student-athlete na si Rene Clert Baterbonia bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa insidente ng pagkalunod na ikinasawi niya at ng isa pang atleta.

Ayon sa CIDG, personal na nagtungo ang mga imbestigador sa pamilya Baterbonia sa Talacogon, Agusan del Sur, kung saan kinuha ang sworn statement ng ina ng biktima na si Rovelyn Baterbonia, sa presensya ng kanyang abogado.

Sinabi ng ahensya na isasama ang salaysay sa mga ebidensyang isusumite sa Department of Justice (DOJ) para sa posibleng pagsasampa ng mga kaso.

Matatandaang sina Baterbonia at kapwa atleta na si Divine Adili ay tinangay ng malalaking alon habang nasa isang training activity sa baybayin ng Dipaculao, Aurora, ilang linggo na ang nakalilipas.

Patuloy na inaalam ng CIDG ang mga posibleng paglabag, kabilang ang paglabag sa Anti-Hazing Act at posibleng kasong kriminal kaugnay ng insidente, habang inaasahang isusumite na ang resulta ng imbestigasyon sa DOJ sa mga susunod na araw.

-- ADVERTISEMENT --