Nabaril at napatay ng isang police trainee ang isang pulis na umanoy naaktuhang kasama ng kanyang asawang pulis din sa inuupahang apartment sa lalawigan ng Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Marce Grace Maron, tagapagsalita ng Abra Police Provincial Office na nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Biyernes, August 16 sa bayan ng Bangued.

Ayon kay Maron, dead on arrival sa pagamutan si Patrotlman Jay Valdez Tabili dahil sa isang tama ng bala sa ulo sa pamamaril ng suspek na nakilalang si Patrolman Joseph Langgoyan na sumasailalim sa Field Training Program sa Bangued Municipal Station.

Habang nagtamo naman ng isang tama ng bala sa tiyan ang asawa ng suspek na si Patrolwoman Jemalyn Langgoyan na nagpapagaling na sa pagamutan sa Abra.

Sa inisyal na imbestigasyon, ala una ng madaling araw nang dinalaw ng suspek ang kanyang asawa sa kanilang apartment subalit nairita nang nadatnang kasama ng kanyang misis ang pulis.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaniniwalaang kalaguyo ng babae ang katrabahong pulis na kapwa nakatalaga sa Bucloc Municipal Station kung saan posibleng love triangle ang motibo sa pamamaril.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang cal.45 at 9mm na baril habang inaantay pa ang autopsy sa bangkay ng biktima upang matukoy ang uri ng baril na nakapatay sa kanya.

Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang suspek na isinasailalim sa masusing imbestigasyon.