
Asahan ang bahagyang ginhawa ng mga motorista sa susunod na linggo dahil inaasahan ang rollback sa presyo ng langis matapos ang sunod-sunod na malalaking pagtaas mula nang sumiklab ang tensyon sa Middle East noong Pebrero.
Batay sa datos ng Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na apat na araw, tinatayang bababa ang presyo ng diesel mula P5.50 hanggang P6.50 kada litro, habang sa gasolina ay posibleng walang pagbabago o bababa ng hanggang P1.00 kada litro.
Karaniwang inaanunsyo ng mga oil companies ang opisyal na price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan.
Matatandaang noong Abril 7, nagtaas ang mga kumpanya ng langis ng presyo ng:
Gasolina – ₱6.00/litro
Diesel – ₱19.80/litro
Kerosene – ₱9.10/litro
Ito na ang ika-14 na galaw ng presyo ngayong 2026, na nagresulta sa kabuuang net increase na:
₱54.20/litro para sa gasolina
₱109.85/litro para sa diesel
₱8.20/litro para sa kerosene
Ang inaasahang pagbaba ng presyo ay kaugnay ng pansamantalang tigil-putukan sa pagitan ng United States at Iran.
Ayon kay Donald Trump, pumayag ang US sa ceasefire ilang oras bago ang itinakdang deadline upang buksan muli ng Iran ang Strait of Hormuz, na dinadaanan ng humigit-kumulang ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.










