Bumaba ang mga stock sa United States at Europa habang tumaas ang presyo ng langis dahil sa pangamba na muling iinit ang sigalot sa Middle East, kasunod ng pagsasara ng Strait of Hormuz ng Iran matapos itong pansamantalang buksan.

Naging balisa ang mga investor habang papalapit ang pagtatapos ng ceasefire sa pagitan ng US at Iran. Inihayag ng Washington na magpapadala ito ng delegasyon sa Pakistan para sa panibagong pag-uusap, ngunit hindi pa tiyak kung dadalo ang Iran.

Bumagsak ang presyo ng krudo noong Biyernes matapos payagan ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang humigit-kumulang ikalimang bahagi ng global oil at liquefied natural gas. Gayunman, muling sumipa ang presyo nito noong Lunes nang isara muli ang naturang daluyan, kasunod ng alegasyon ng Iran na nilabag ng US ang ceasefire sa pamamagitan ng blockade at pagsamsam sa isang Iranian cargo ship.

Dahil sa panibagong tensyon, tumindi ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis at mas malawak na sigalot sa pagitan ng US at Iran, gayundin ang kawalan ng katiyakan kung matutuloy ang negosasyon sa Islamabad.

Sa merkado, bahagyang bumaba ang pangunahing stock indices sa Wall Street, kabilang ang S&P 500 at Nasdaq Composite. Mas malaki naman ang ibinagsak ng mga pamilihan sa Europa, habang nagkaroon ng pagtaas sa ilang merkado sa Asya gaya ng Tokyo, Hong Kong at Shanghai.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang pag-iingat ng mga investor dahil sa posibilidad ng biglaang pagbabago sa merkado sakaling magkaroon ng kasunduan, habang nananatiling marupok ang ceasefire sa kawalan ng komprehensibong kasunduan hinggil sa nuclear program ng Iran.