Pinaiigting ngayon ng Provincial Veterinary Office ang kanilang surveillance upang masuri ang mga alagang manok, itik at iba pa laban sa banta ng bird flu.

Sa panayam kay Dr. Myka Ponce ng Cagayan Provincial Veterinary Office, nagpapatuloy ang kanilang grupo sa pag-iikot sa ibat ibang bayan sa probinsya ng Cagayan upang makakuha ng mga blood at swab samples sa mga nag-aalaga ng mga nasabing uri ng hayop.

Inuna aniya nilang pinuntahan ang mga bayan na nakikitaan ng presensya ng mga migratory birds at lumabas sa resulta na negatibo naman sa sakit ang isinagawa nilang pagsusuri.

Mula pa nitong buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre ay patuloy sila sa pag-iikot at una na nilang napuntahan ang bayan ng Gonzaga, Aparri, Sta Teresita, Claveria, Sta Ana, Buguey, Camalaniugan, at Enrile.

-- ADVERTISEMENT --

Saad ni Ponce, lahat rin ng mga nag-aalaga ng itik at nagbebenta ng balot sa probinsya ay regular na binibisita ng kanilang hanay upang makuhanan ng samples ang kanilang mga alaga at makatiyak na hindi apektado ng bird flu ang mga ito.

Sa ngayon aniya ay pinapayagan naman ang pagpasok ng mga poultry products sa probinsya na mula sa mga lugar na bird flu free.