Itutuloy pa rin ng National Police Commission (Napolcom) ang mga kaso laban kay Patrolman Francis Steve Fontillas kaugnay sa kanyang post sa social media na tila nag-uudyok ng kaguluhan o himagsikan kasunod ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte, sa kabila ng kanyang pag-iyak at paghingi ng tawad.

Ayon kay Napolcom Commissioner Rafael Vicente Calinisan, mahaharap pa rin sa criminal at administrative cases si Fontillas.

Ipinaliwanag ni Calinisan na kinasuhan na noong Martes ng Quezon City Police District ng “inciting to sedition” si Fontillas, na may parusa na anim na taon na pagkakabilanggo.

Idinagdag pa ni Calinisan na ang nasabing pulis na isinailalim na sa restrictive custody sa QCPD, ay nahaharap din sa summary dismissal mula sa government service, at posibleng forfeiture ng kanyang mga benepisyo, sa ilalim ng administrative charges na isusulong ng Napolcom.

Sa serye ng facebook posts noong March 11, ang araw nang maaresto si Duterte, binatikos ni Fontillas ang International Criminal Court (ICC) at ang International Criminal Police Organization (Interpol).

-- ADVERTISEMENT --

Narito ang ilang sinabi ni Fontillas sa kanyang posts sa social media:

“To ICC and Interpol, don’t even lay your finger on our Tatay (father) Digong or else we will start the war that you can’t even imagine. This is not a warning; this is a threat!”

Sa kanyang sumunod na Facebook post noong Biyernes, sinabi ni Fontillas na ang kanyang tinutukoy ay ang ICC at Interpol at hindi ang pamahalaan.