TUGUEGARAO CITY- Patay ang isang pulis matapos umanong aksidenteng mabaril ng kanyang buddy sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Sta Maria, Dupax del Sur sa lalawigan ng nueva vizcaya.

Kinilala ng Dupax del Sur PNP ang biktima na si Patrolman James Canceran, 32, residente ng Sta Maria, Isabela habang ang suspek ay nakilala naman na si Patrolman Joshua Cebo,24, residente ng Tumauini, Isabela at kapwa nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng PNP nueva vizcaya.

Ayon sa ulat ni P/Lt Col. Joeberman Videz, Commanding Officer ng 2nd PMFC, naghahanda umano noon ang biktima papasok sa kanyang duty bilang building guard nang mangyari ang insidente dakong alas 8:00 ng umaga kahapon

Lumalabas na habang abala sa paghahanda ang biktima ay kinuha naman ng suspek na si Cebo ang kanyang 9mm service firearm sa kanyang bag nang aksidente umanong pumutok at natamaan si Canceran.

Mabilis naman na isinugod sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa bayan ng Bambang ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival matapos matamaan sa kaliwang bahagi ng kanyang tiyan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Videz, magkaklase ang dalawa sa PNP class 2019 ng PNP at madalas na magkabiruan.

Sa ngayon ay isinailalim na sa inquest proceeding ang suspek matapos sampahan ng reckless imprudence resulting in homicide at posible rin umanong masibak sa serbisyo.