Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng insidente ng pambubugbog sa isang 25-anyos na person with disability (PWD) na sinasabing tinaser pa ng kapwa pasahero habang sakay ng isang bus sa EDSA Bus Carousel noong Hunyo 9.
Batay sa ulat, nag-ugat ang insidente nang umano’y saktan ng PWD ang isa sa mga pasahero sa loob ng bus na pagmamay-ari ng Precious Grace Transport.
Sa kumalat na video, makikitang umiiyak at humihiyaw ang PWD matapos siyang bugbugin, at maririnig din ang tila tunog ng electric shock, dahilan para imbestigahan ng DOTr kung ginamitan nga siya ng taser gun.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, dapat ding maunawaan ng publiko ang pinagdaraanan ng mga may kapansanan dahil hindi madaling dalhin ang ganitong kondisyon.
Binanggit din ng ahensya na dapat managot ang bus driver at konduktor sa pangyayari, kaya’t agad na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber sa loob ng 90 araw.
Samantala, ipinatawag na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Precious Grace Transport upang magpaliwanag sa naturang insidente.
Kasama sa posibleng parusa ang pagsuspinde ng operasyon ng 10 unit ng kompanya sa loob ng isang buwan.
Nakatakdang isagawa ang pagdinig sa Hunyo 25.
Ayon sa abogado ng bus company, nagsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa insidente.