Nagdadalamhati ang buong lalawigan ng Quirino sa pagpanaw ng kanilang gobernador na si Dakila Carlo “Dax” Cua, sa edad na 48.

‎Nagpaabot naman ng pakikiramay ang United Cities and Local Governments Asia-Pacific (UCLG ASPAC) sa pagpanaw ng gobernador, na nagsilbi ring pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at kasalukuyang Pangulo ng UCLG ASPAC.

‎Binigyang-pugay ng organisasyon ang buhay at serbisyo ni Cua, na anila’y mag-iiwan ng mahalagang pamana sa mga lokal na pamahalaan sa Asia-Pacific Region.

‎Ipinahatid din ng organisasyon ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mga mahal sa buhay, kasamahan, at mamamayan ng Quirino Province.

‎Anila, mananatiling inspirasyon ang kanyang mga naging ambag at pamumuno sa mga susunod pang gawain ng mga lokal na pamahalaan.

‎Nagsimula ang political career ni Cua bilang vice governor ng Quirino bago naging gobernador at kinatawan ng lalawigan sa Kamara.

‎Sa kaniyang panunungkulan, naging bahagi siya ng ilang pambansang batas at mga programang nakatuon sa lalawigan tulad ng TRAIN Law, Rice Tariffication Law, Ease of Doing Business Act, Philippine Competition Law, at batas na nagtatag sa Quirino State University.

‎Samantala, hindi pa inilalabas ng pamilya o pamahalaang panlalawigan ang sanhi ng kanyang pagkamatay.