Inilipat na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Miyerkules si dating police official na si Rafael Dumlao matapos siyang mahatulang guilty sa kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo noong 2016.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, isinagawa ang paglilipat kay Dumlao mula sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame alinsunod sa mittimus order na inilabas ng Court of Appeals noong Hunyo 9.

Si Dumlao ay pormal nang tinanggap ng Reception and Diagnostics Center ng New Bilibid Prison.

Nahaharap si Dumlao sa hatol na reclusion perpetua kaugnay ng kidnapping, extortion, carnapping at pagpatay kay Jee Ick Joo, na dinukot at pinaslang sa loob mismo ng Camp Crame noong Oktubre 2016.

Noong Setyembre 2024, binaligtad ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng mababang hukuman at hinatulan siyang guilty. Noong Hunyo 30, 2025 naman, ibinasura ng Korte Suprema ang kanyang petisyon, na tuluyang nagpatibay sa kanyang pagkakasala.

-- ADVERTISEMENT --

Naaresto si Dumlao noong Martes sa Pasong Tamo, Quezon City matapos ang matagal na pagtatago sa mga awtoridad.