
Patuloy ang paghahanap ng mga firefighter ng Israel sa tatlong nawawalang katao sa guho sa isang residential building sa lungsod ng Haifa matapos itong tamaan ng isang Iranian missile noong Linggo.
Ang direktang tama sa pitong palapag na gusali ay nagdulot ng matinding pinsala sa istruktura at ikinasugat ng apat na katao, ayon sa militar at mga rescue service.
Naganap ang pag-atake ilang minuto matapos magbabala ang militar na may natukoy silang panibagong bugso ng mga missile na pinakawalan mula sa Iran bandang 3:00 ng hapon (GMT).
Kinumpirma ng tagapagsalita ng militar na ang gusali ay tinamaan ng “direct impact” ng missile na galing sa Iran.
Ayon sa Israel’s emergency service na Magen David Adom (MDA), apat na katao ang nasugatan sa insidente.
Kabilang sa mga nasugatan ang isang 82-anyos na lalaki na una’y nasa kritikal na kondisyon ngunit kalaunan ay naging stable, ayon sa ospital.
Ayon sa MDA, nasugatan siya dahil sa mabigat na bagay at lakas ng pagsabog, habang ang tatlo pang biktima ay nagtamo ng shrapnel at blast injuries.
Isa sa mga sugatan ay isang 10-buwang gulang na sanggol na nagtamo ng pinsala sa ulo.
Dose-dosenang mga miyembro ng Israeli security at rescue forces ang rumesponde sa lugar ng insidente.










