TUGUEGARAO CITY-Kinukumpirma na ng binuong special investigation task group kung ang nakita na sasakyan na sinunog ang ginamit ng mga salarin sa pananambang sa vice mayor ng Aparri, Cagayan at limang iba pa kahapon ng umaga sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sinabi ni LTCOL Saturnino Soriano, information officer ng PNP Region 2 na nakita ang puting Mitsubishi Adventure na wala ng plaka sa bayan ng Solano.
Ayon sa kanya, magkatulad ang nasabing sasakyan sa kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng pananambang.
Sinabi ni Saturnino na masusi ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng task group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang motibo.
Naniniwala si PNP na planado ang nasabing pananambang sa grupo ng bise alkalde.
Kasabay nito, sinabi ni Soriano na hindi mga pulis ang nanambang sa grupo ng bise alkalde sa halip ay nagpanggap lamang ang mga ito.
Matatandaan na papunta sana manila ang grupo ni Alameda para dumalo sa 27th Vice Mayors’ League of the Philippines National Convention sa Pasay City na nakatakda ngayong Lunes.