Ipinahayag ni Sen. Francis Pangilinan na pabor ang tinatawag na “SB-11” o Solid Bloc 11 na si Sen. Sherwin Gatchalian ang maging susunod na Senate President.

Ayon kay Sen. Pangilinan, nagkakaisa umano ang minority bloc sa paniniwalang may kakayahan si Sen. Gatchalian na pamunuan ang Senado, lalo na sa usapin ng transparency at wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Sinabi rin ni Sen. Pangilinan na napatunayan umano ni Sen. Gatchalian ang kaniyang kakayahan sa deliberasyon ng 2026 national budget kung saan ipinakita nito ang pagiging maingat sa paggastos ng pampublikong pondo at pagtitiyak na mapupunta ito sa mga programang tunay na kailangan ng mamamayan.

Inilarawan din niya si Sen. Gatchalian bilang “competent, steady, and fair,” at aniya, maaari itong magsilbing lider na magbubuklod sa isang mas balanseng at repormistang Senado.

Ayon pa kay Sen. Pangilinan, maging si Senate President Alan Peter Cayetano ay nagpahayag umano ng kahandaang suportahan si Sen. Gatchalian bilang susunod na lider ng Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang mga usapin ukol sa posibleng pagbabago sa liderato ng Senado sa gitna ng umiiral na tensyon sa loob ng kapulungan kasunod ng insidente ng pamamaril noong Mayo 13 at ng usapin kaugnay sa arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Sen. Ronald dela Rosa.