Hindi umano naniniwala si Poverty Alleviation Adviser Sec. Larry Gadon na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dahilan ng kung bakit hindi natuloy ang pangakong P10K ayuda ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Sec. Gadon, sinabi niya na nililihis lamang umano ng Senador ang kasalukuyang isyung kinakaharap niya kaugnay sa umano’y anomalya sa 2019 SEA Games hosting ng bansa.

Aniya, walang kinalaman si PBBM sa pagkaantala nito dahil si Cayetano umano ang nangako nito.

Magkaiba rin umano ito sa UPLIFT Program ni Marcos dahil ito ay ipinatupad dahil mayroong pangangailangan at hindi kagaya ng kay Cayetano na pawang ‘pambobola’ lamang para makakuha ng boto.

Nagdulot din umano ng kalituhan ang pagtatayo ni Cayetano ng foundation na nag-solicit at nakalikom ng bilyun-bilyong pondo para sa nasabing aktibidad sa kabila ng pagkakaroon ng sariling pondo nito mula sa General Appropriation Act.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, saan umano napunta ang pera na nalikom ni Cayetano na siyang namuno at namahala sa aktibidad.