
Sa kabila ng kanyang matagal na hindi pagdalo sa mga sesyon, naghain si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng dalawang panukalang batas, ayon sa rekord ng Senado.
Nilagdaan ni Dela Rosa ang Senate Bills 2079 at 2080 noong Mayo 4, kasabay ng pagbabalik ng sesyon matapos ang isang buwang recess. Isinumite ang mga panukala sa pamamagitan ng kanyang legislative staff at pormal na binasa sa plenaryo noong Mayo 6.
Ang Senate Bill 2080 o Counter Foreign Interference Act ay naglalayong tugunan at parusahan ang umano’y foreign interference sa iba’t ibang sektor ng bansa, kabilang ang politika, ekonomiya, teknolohiya, edukasyon, batas, at seguridad.
Magtatatag din ito ng konseho na tututok sa mga naturang isyu.
Samantala, ang Senate Bill 2079 o National Police Clearance System Act ay naglalayong bumuo ng centralized database para sa mga crime record, arrest warrants, at impormasyon ng mga wanted at naarestong indibidwal.
Matatandaang hindi pa dumadalo si Dela Rosa sa sesyon ng Senado mula Nobyembre 2025, kaugnay ng mga ulat hinggil sa umano’y inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court na may kinalaman sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dahil sa kanyang patuloy na pagliban, nahaharap din ang senador sa ethics complaint, habang pinag-aaralan ng Senate ethics committee ang panukalang “no work, no pay” policy para sa mga absent na mambabatas.








