
Humiling si Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na mailipat siya sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame habang dinidinig ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Ayon sa rekord ng korte, naghain si Estrada ng motion to transfer detention facility noong Hunyo 2. Nauna rito, noong Hunyo 1, naghain din siya ng urgent motion upang maitakda ang halaga ng piyansang maaari niyang iposte habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Inaasahang tatalakayin ng Fifth Division sa ilalim ni Associate Justice Zaldy Trespeses ang mga mosyon sa Huwebes, kasabay ng nakatakdang arraignment ni Estrada, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at iba pang dating opisyal ng DPWH-NCR.
Hindi pa umano natatanggap ng prosekusyon ang kopya ng mosyon para sa paglilipat ng detention facility.
Nauna nang naghain ng kahalintulad na kahilingan si dating senador Ramon Revilla Jr. dahil sa umano’y isyu sa seguridad sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan nakakulong din si Estrada mula noong Lunes.
Gayunman, tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang naturang kahilingan matapos magsagawa ng inspeksyon sa pasilidad.
Ayon kay Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion, ligtas ang pasilidad, hindi overcrowded, at may sapat na seguridad para sa mga high-profile detainees.
Isinaalang-alang din ng korte ang liham ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. noong Enero 6, kung saan hiniling nitong limitahan ang paglilipat ng mga detenido sa PNP Custodial Center dahil sa kakulangan ng pondo at tauhan.








