Sinuspinde ng Sandiganbayan Second Division si Senador Jinggoy Estrada ng 90 araw bilang preventive suspension kaugnay ng kinakaharap niyang kasong graft na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Batay sa resolusyong inilabas ng anti-graft court nitong Hunyo 16, inutos ang suspension pendente lite ng senador habang dinidinig ang kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon sa Sandiganbayan, epektibo ang 90-araw na suspensyon mula sa oras ng pagtanggap ng resolusyon, kung saan hindi muna siya maaaring gumanap bilang senador o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno habang may kinakaharap na kaso.

Kaugnay nito, sinabi rin ng korte na ang desisyon ay ipinatutupad habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso na nakatakdang linawin ang mga alegasyon laban sa mambabatas.

Bukod sa kasong graft, nahaharap din si Estrada sa hiwalay na plunder at iba pang kasong graft sa Sandiganbayan, na may kaugnayan din sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

-- ADVERTISEMENT --

May nakabinbin din umanong 11 iba pang kasong graft laban sa senador kaugnay ng umano’y maling paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong mga nakaraang taon.