Ipinag-utos ni Senador Raffy Tulfo na matukoy at mapasailalim sa retraining ang isang pulis na makikita sa viral video kaugnay ng insidente sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) malapit sa People Power Monument sa Quezon City.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na hindi umano naipagtanggol ng pulis ang isang motorcycle rider na hinarang at sinigawan ng ilang raliyista matapos nitong tangkaing dumaan sa EDSA.

Ayon sa senador, makikita sa video na kinuha ang susi ng rider at mayroon pang nagbanta umano sa kanyang buhay, ngunit ang rider pa ang pinagalitan ng pulis.

Bilang tugon, sinabi ni Police Col. Ehdel Pereira ng Philippine National Police Regional Legal Office na tutukuyin nila ang pagkakakilanlan ng pulis na nasa video at isasailalim ito sa kaukulang pagsasanay.

Dagdag pa niya, magpapatupad din ang PNP ng karagdagang training upang mas maging handa ang mga tauhan sa paghawak ng mga kahalintulad na insidente sa mga pampublikong pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --