
Kinumpirma ni Senator Robin Padilla na natanggap na niya ang subpoena mula sa Department of Justice o DOJ kaugnay ng preliminary investigation sa umano’y pagtulong niya kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na makatakas sa Senado noong Mayo.
Pinapadalo si Padilla sa DOJ at inatasang magsumite ng counter-affidavit sa Setyembre 25 at Oktubre 9 kaugnay ng reklamong obstruction of justice laban sa kanya.
Inamin ni Padilla na nakisakay si Dela Rosa palabas ng Senado. Huling nakita si Dela Rosa sa session noong Mayo 13, bago umano ito umalis kinabukasan.
May warrant of arrest mula sa International Criminal Court si Dela Rosa kaugnay ng kanyang papel bilang dating hepe ng Philippine National Police noong ipinatupad ang war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.










