Isiniwalat ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na kung sakaling ma-disqualify at ma-impeach si Vice President Sara Duterte, si Senador Robin Padilla umano ang patatakbuhin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa sa 2028.

Sinabi ni Panelo na nakausap na raw niya si FPRRD at pumayag daw ito sa kaniyang suhestiyon na si Padilla ang kanilang magiging pambato kung hindi makatakbo si VP Sara.

Ibinahagi rin ni Panelo na “speechless” umano si Padilla nang malaman niya ang napag-usapan nila ni FPRRD na planong patatakbuhin siya bilang pangulo ng bansa.

Matatandaang noong buwan ng Setyembre nang unang sabihin ni Panelo na balak niyang patakbuhin si Padilla bilang pangulo sa 2028 kung hindi tumakbo si VP Sara sa posisyon.

Matatandaan na dalawang impeachment complaints ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, pinadalhan kamakailan si VP Sara ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y death threats niya laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kaugnay nito, inihayag ng NBI noong Huwebes, Disyembre 12, na layon nilang ilabas sa Enero 2025 ang kanilang rekomendasyon kung dapat bang kasuhan ang bise presidente.