Tumanggi umano ang Senado na tanggapin ang subpoena na inisyu ng Office of the Ombudsman para sa CCTV footage kaugnay ng naganap na shooting incident sa Senado noong Mayo 13.

Sa panayam sa radyo nitong Sabado, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi tinanggap ng Senado ang subpoena na inihatid ng kanilang process server.

Ayon kay Remulla, nagkakaproblema ang kanilang tanggapan dahil ayaw umanong tanggapin ng Senado ang subpoena para sa CCTV footage.

Dagdag pa niya, itinuturing na ring served ang subpoena kahit hindi ito tinanggap ng Senado.

Nauna nang isinailalim ng Ombudsman sa anim na buwang preventive suspension nang walang sahod si acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senate complex.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Remulla na kinakailangan ang suspensyon upang hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman.

Inamin naman ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng baril laban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation o NBI na nasa GSIS building malapit sa Senado.

Ayon sa Ombudsman, mahalagang makuha ang CCTV footage upang masuri ang buong pangyayari at matukoy ang mga posibleng paglabag.

Binanggit din ni Remulla na tungkulin ng Senate Sergeant-at-Arms na tiyaking nasusunod ang mga alituntunin at napapanatili ang seguridad sa Senado.

Dagdag pa niya, walang sinuman ang dapat magpakilalang mas mataas sa batas lalo na sa mga operasyon ng law enforcement authorities.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng insidente habang hinihintay ang tugon ng Senado sa subpoena para sa CCTV footage.