Iginiit ni Senator-elect Francis “Kiko” Pangilinan na hindi maaaring ibasura ng Senado ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte at dapat itong ituloy sa ilalim ng proseso ng paglilitis.
Ayon kay Pangilinan, malinaw sa Saligang Batas na kapag natanggap na ng Senado ang mga artikulo ng impeachment mula sa Mababang Kapulungan, obligasyon ng mga senador na magsilbing hukom at humatol batay sa ebidensya.
“Acquittal o conviction lang ang maaring pagpipilian na pasya ng mga senador bilang mga hukom,” ani Pangilinan.
Dagdag pa niya, kung kulang ang ebidensya, nararapat lamang ang pagpapawalang-sala; subalit kung sapat ang ebidensya, dapat maglabas ng hatol na guilty.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat hinggil sa ilang resolusyong inihain, kabilang ang mula kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na layong ibasura ang kaso dahil umano sa kakulangan ng oras.
Inamin ni Dela Rosa na siya ang nagpasimula ng nasabing resolusyon, na agad namang binatikos ng ilang mambabatas at grupo mula sa civil society.
Ayon sa kanila, hindi dapat gamitin ang isyu ng “oras” bilang dahilan para pigilan ang isang proseso na may matibay na batayan sa Konstitusyon.
Nakatakdang basahin ng Senado ang articles of impeachment sa Hunyo 11, ilang araw bago mag-adjourn ang 19th Congress sa Hunyo 13.
Orihinal itong itinakda noong Hunyo 2 ngunit inilipat bilang bahagi ng desisyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, bagay na ikinabahala ng ilang sektor na naniniwalang sinasadya ang pagkaantala ng proseso.