Nasawi ang isang 36-anyos na siklista matapos masagasaan ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Pasig City, matapos umano niyang umiwas sa isang delivery van na ilegal na naka-park sa bicycle lane.

Batay sa ulat, nakaparada ang delivery van sa bike lane sa Shaw Boulevard, Barangay Kapitolyo habang nagbababa ng mga container ng tubig ang driver at pahinante nito.

Ayon sa imbestigasyon, inunahan muna ng biktima ang isa pang siklista at sinubukang iwasan ang van.

Sa kanyang pagdaan, biglang bumukas ang likurang pinto ng van at tumama sa kanya.

Dahil sa impact, nawalan ng kontrol ang biktima at tumilapon sa kasalubong na linya ng mga sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Dito siya nabangga mula sa likod ng SUV.

Idineklara siyang dead on the spot.

Papauwi na sana sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal mula sa trabaho ang biktima nang mangyari ang insidente.

Naaresto ng mga awtoridad ang 40-anyos na driver ng SUV at ang 59-anyos na driver ng delivery van.

Kapwa sila kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide.

Ayon sa pamilya ng biktima, dalawang araw siyang ilalamay sa Cainta bago dalhin sa Iloilo City para sa huling hantungan.

Paalala ng mga awtoridad, huwag harangan ang mga bike lane dahil ginawa ang mga ito para sa kaligtasan ng mga siklista, at hindi dapat gawing paradahan o loading zone ng mga sasakyan.