Hinuli ng militar ng Myanmar ang isang anim na taong gulang na babae na itinuturing nilang kasapi ng mga binansagan nilang mga terorista dahil sa pagpatay sa retiradong opisyal ng militar at diplomat nitong nakalipas na buwan.
Matatandaan na pinagbabaril-patay si Cho Htun Aung, 68-anyos, retiradong brigadier general na nagsilbi ring ambassador sa Yangon noong May 22, na isa sa high-profile assassinations sa bansa sa gitna ng lumalalang civil war.
Ang mga kaguluhan sa Myanmar ay nagsimula nang agawin ng militar ang kapangyarihan sa pamamagitan ng kudeta noong February 2021, na nagpatalsik sa nahalal na si Nobel Laureate Aung San Suu Kyi at nagbunsod ng malawakang protesta.
Sumiklab ang malawakang pag-aalsa dahil sa marahas na pamamahala ng military junta.
Nabuo ang maraming ethnic armies at mga bagong armadong mga grupo, at sumiklab ang guerilla-style na labanan maging sa malalaking lugar tulad sa Yangon.
Batay sa report ng pahayagan sa Myanmar, kabuuang 16 na offenders, na kinabibilangan ng 13 lalaki at tatlong babae ang inaresto.
Kasama sa inaresto ang anim na taong gulang na babae na kinilalang anak ng umano’y assassin.