
Naghain si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng panukalang batas na layong palakasin ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at gawing mas epektibo ang sistema ng deposit insurance sa bansa.
Ayon kay Sotto, sa ilalim ng Senate Bill No. 1667, bibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang PDIC upang mabilis na tumugon sa mga banta at krisis sa sektor ng pananalapi habang iniiwasan ang matinding epekto sa financial system.
Kasama sa panukala ang pagpapalawak ng saklaw ng deposit insurance, pagpapatupad ng differential insurance, at pag-extend ng proteksyon sa ilang non-bank financial institutions at cooperative products na itinuturing na deposito ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Cooperative Development Authority.
Layunin din ng panukala na pabilisin ang paglabas ng insurance claims upang agad na ma-access ng mga depositor ang kanilang ipon sakaling magsara ang isang bangko.
Sa panahon ng krisis, papayagan din ang pansamantalang full deposit insurance coverage o Temporary Blanket Coverage kapag may banta sa katatagan ng financial system, ayon sa panukala.










