
Patay ang isang sundalo matapos siyang barilin ng kaniyang kabaro sa loob ng kampo sa Jamindan, Capiz noong gabi ng Pebrero 9 sa loob mismo ng Camp General Macario Peralta Jr.
Bago ang insidente, nag-inuman umano ang dalawa at inihatid ng biktima ang suspek sa barracks.
Kinilala ng pulisya ang biktima na Private First-Class Wencel Jay Puntuan na mula sa Libungan, Cotabato, habang ang suspek naman ay si Private First-Class Rosarjoe Manajero na mula sa Lambunao, Iloilo.
Lumitaw sa imbestigasyon na nag-inuman ang dalawa, at pagkatapos ay inihatid ng biktima ang suspek sa barracks dahil hirap na umanong maglakad dahil sa kalasingan.
Nang nasa loob na ng barracks ang dalawa, nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang kasamahan.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo mula sa isang 5.56 mm kalibre ng baril.
Kaagad namang inaresto ng ibang kasamahan ang suspek.
Parehong nakatalaga ang dalawa sa Operation Control Unit ng 3rd Infantry Division (ID) ng Philippine Army.
Mag-iimbestiga rin ang Philippine Army kaugnay sa lumitaw na inuman sa loob ng kampo na ipinagbabawal.
Bukod sa kasong kriminal, mahaharap din ang suspek sa reklamong administratibo na maaaring maging dahilan para matanggal siya sa serbisyo.










