Naniniwala si House prosecutor Terry Ridon na nananatiling malakas ang suporta sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte kahit sa Mindanao at Visayas na matagal nang itinuturing na balwarte ng pamilya Duterte.

Ayon kay Ridon, malinaw umano sa naging botohan sa Kamara ang malawak na suporta mula sa iba’t ibang rehiyon at political groups para sa impeachment complaint laban sa bise presidente.

Batay sa opisyal na tala ng House of Representatives, umabot sa 257 mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment, habang 25 ang tumutol at siyam naman ang nag-abstain.

Sinabi rin ni Ridon na 43 sa 50 kongresista mula Visayas ang sumuporta sa impeachment, habang 41 sa 61 lawmakers mula Mindanao ang bumoto rin pabor dito. Sa Luzon naman, 125 sa 142 kongresista ang sumang-ayon sa impeachment move.

Giit ni Ridon, pinapakita umano nito na hindi lamang “Imperial Manila” ang sumusuporta sa impeachment kundi maging iba’t ibang rehiyon sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Inimpeach si Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, unexplained wealth, bribery, at umano’y pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Mariin namang itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at sinabing may bahid pulitika at walang sapat na basehan ang impeachment complaint laban sa kanya.

Samantala, inaasahang dadalo ang buong 11-member House prosecution panel sa pagbubukas ng Senate impeachment court sa Mayo 18.