TUGUEGARAO CITY-Nakumpiskahan ng isang baril at granada ang isa sa mga suspek sa pamamaril kay Plt. Randy Baccay ng PNP-Peñablanca matapos halughugin ang kanilang tahanan sa Brgy. Mangga, Peñablanca.
Ayon kay Police Col. Ariel Quilang, director ng Cagayan-PNP, hinalughog ang bahay ng suspek na si Arnes Sibbaluca sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte.
Dahil dito, isang calibre 38 revolver na may tatlong bala at isang granada ang nakumpiska ng kapulisan.
Bigo namang mahuli ang suspek dahil wala ito sa kanilang tahanan nang isagawa ang paghalughog.
Matatandaan, gabi ng Nobyembre 26, 2020 nang pagbabarilin ang grupo ni Plt. Baccay habang papauwi mula sa illegal logging operation sa lugar kung saan tinamaan ito sa kanyang pwetan na ngayon ay nagpapagaling na.
Boluntaryo namang sumuko si Sibbaluca matapos ang pamamaril ngunit siya’y nakapagpiyansa.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa paglabag sa kasong R.A 10591 o illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosive.